latest news

Ang bata sa loob (at labas) ng Pisay

Monday, March 16, 2015 03:02 AM    Views : 3649by:http://www.gmanetwork.com/
alt

Pangarap daw ng bawat estudyante sa elementarya ang makapasok sa prestihiyosong paaralang ito. Pero hindi lahat pinapalad.
 
Ito ang Philippine Science High School o "PISAY" kung tawagin ng karamihan – ang nangungunang high school sa Pilipinas at isa sa pinakamahusay na science school sa buong Asya.
 
Sa libo-libong estudyanteng gustong makapasok dito, 240 lang ang kinukuha. Sila ang pinakamatatalino at ang pinakamagagaling. Sila ang "cream of the crop!"
 
Hindi raw kasi madali ang entrance exam sa PISAY. At kasama sa pre-requirement ng eskuwelahan, ang makasama ang kanilang mga aplikante sa Top 10% ng kanilang graduating batch. Hindi rin daw dapat bababa sa 85% ang grado sa lahat ng subjects.
 
Kaya naman laking gulat daw ng 13-anyos at Grade 7 na si Robert John Pecayo nang malaman niyang isa siya sa mga masuwerteng nakapasa at nakapasok sa Pisay.
 
Kalapit-bahay na pangarap
 
Kahit na sa hinagap, hindi raw inisip ng batang si Robert na makakapasok siya eskuwelahang nasa tabi lang ng kanilang tahanan. Hindi rin daw niya alam na prestihiyoso pala ang eskuwelahang ito.
 
Ang pamilya kasi ni Robert, nangungupahan lang sa isang maliit na kuwarto sa Agham Road sa Quezon City, isang lugar na napapaligiran ng mga urban poor settler. At dito rin ang lugar kung saan naman nakatayo ang Philippine Science High School.
 
"Nung dati po hindi ko alam, akala ko po normal na high school lang. Tapos, nung grade 5 po ako, may nagbigay po ng application form para raw magtest po rito. Doon ko po nalaman na kailangan pa po ng NCE, National Competitive Examinations. Marami raw pong nagtetest. Nung pumasa po, natuwa po ako," kuwento ni Robert.
 
Galing sa mahirap na pamilya si Robert. Ikatlo siya sa apat na magkakapatid. Dating machine operator sa pabrika ang ama niyang si Mang Ralph. Pero dahil sa sakit nitong epilepsy, ilang taon na rin itong hindi nakakapagtrabaho.
 
alt

Dahil dito, ang kanyang inang si Aling Beverly na ang mag-isang nagtataguyod sa kanilang pamilya. Sa umaga, nagtitinda siya ng mantika at uling sa talipapa. Sa gabi naman, kasama niyang naglalako ng balut si Robert.
 
At dahil sa hirap, hindi na kinaya pa ni Aling Beverly na paaralin ang kanyang apat na anak. Ang panganay at ang pangalawang anak, magkahiwalay nang pinapaaral ng kanilang mga kamag-anak.
 
Kaya naman, para kay Aling Beverly, malaking tulong daw talaga ang pagiging iskolar ni Robert sa PISAY, hindi lamang sa pag-aaral niya, kung hindi sa kabuhayan na rin ng kanilang pamilya. Bukod kasi sa libreng matrikula, nakatatanggap daw si Robert ng P8,000 buwanang allowance mula sa eskuwelahan.
 
Wonder kid
 
Tatlong taong-gulang pa lang daw si Robert, kinakitaan na siya ng mga magulang ng pambihirang galing sa Mathematics.
 
"Napansin ko simula nung tumuntong siya ng 1 year-old, talagang straight na siyang magsalita. Parang matanda na siya kausap, kaya maraming nakakapansin. Nung 3 years-old siya, doon na nakita yung pagkabibo niya dahil marunong na siya mag-add, mag-multiply, mag-subtract at magdivide," paglalahad ni Aling Beverly.
 
Nang mag-grade school si Robert sa Bagong Pag-Asa Elementary School, lagi raw siya ang pambato ng eskuwelahan sa mga interschool quiz bee. Sa katunayan, nagtapos si Robert na Valedictorian noong nakaraang taon.

alt
 
Pero alam n'yo bang ang batang henyong ito, hindi raw pala-aral? Sa tuwing mayroon lang daw na exam siya nagre-review.
 
"Kung meron ka pong gustong makamit, hindi naman po kailangan ng papagurin mo ‘yung sarili mo para dun. Kailangan lang may focus ka, determinasyon at saka disiplina. Huwag mong pahihirapan yung sarili mo, sa point na nagsasawa ka na. Dapat i-enjoy mo lang kasi bata pa tayo. Kasi kung pipilitin mo, mapapagod ka lang, mawawalan ka ng gana," bibong sagot ni Robert.
 
Kung tutuusin, hindi rin daw malaman ni Robert kung paano siyang nakapasa sa PISAY. Sa libreng review center lang ng Bagong Pag-asa Elementary School siya naghanda para sa kanyang entrance exam. At dahil malayo raw ito sa kanilang bahay, tatlong review sessions lang ang kanyang napasukan.
 
Mismong si Robert daw, nagulat nang makapasok siya sa listahan ng mga piling nakapasa.
 
"Masaya po saka proud po sa sarili ko na nagawa ko po na makapasa sa dinami-dami po nang nagtest at kasama po ako sa iilan lang pong napili."
 
Hindi hadlang ang kahirapan
 
Ayon kay Aling Beverly, unti-unti raw namumulat si Robert sa pagkakaiba ng antas sa buhay ng mga mag-aaral sa PISAY.
 
"(Kuwento ni Robert) may classmate daw siya na araw-araw daw sinusundo ng parents na iba-ba daw yung kotse. Ang gagara raw. Minsan nga binibiro ko ‘yan, ‘Gusto mo magkaroon ng four wheels? Sabi ko, maraming kariton dito e. Gusto mo hatid-sundo kita?'" pagkukuwento ni Aling Beverly.
 
Pero mismong si Robert, hindi iniinda ang antas ng buhay sa kanyang pag-aaral. "Hindi naman po (ako nahihirapan) kasi wala naman pong kailangan na financial. Kailangan lang naman po, magsikap."

alt
 
Kung tutuusin, marami nang mga nagsipagtapos sa Philippine Science High School ang kilala na ngayon sa iba't ibang larangan. Katulad na lang nina independent film director na si Auraeus Solito, batikang film director na si Lore Reyes, dating former Chief-of-staff Hermogenes Esperon, ang manunulat na si Jessica Zafra, singers na sina Arnee Hidalgo at Jeffrey Hidalgo at ang Asia's First International Supermodel na si Anna Bayle!
 
Pero si Robert, pangarap ang maging Math teacher balang araw. Ito ay kahit na nga nahihirapan siya sa kanyang Math subject.
 
"Mahirap po kasi ang Math talaga. Dati pa po, alam ko na pong mahirap ‘yung Math. Kaya gusto ko pong maging Math teacher, kasi gusto ko pong matulungan ‘yung ibang mga nahihirapan din sa Math."

Kung tutuusin, maraming kabataan ngayon ang katulad ni Robert – ang patuloy na nagsisikap para lamang makapag-aral, makapagtapos ng pag-aaral at maabot ang kanilang mga pangarap. Pero hindi lahat nabibigyan ng suwerte at ng pagkakataon.
 
Pero ang kuwento ni Robert ay isang pruweba at isang inspirasyo na hindi hadlang ang kahirapan para mapatunayan ang kakayahan at tunay na maging iskolar at pag-asa ng bayan!
 
"Huwag po tayong matakot kasi ang dami pong natatakot na mag-try, hindi po ba? Iisipin nila, magfi-fail ka rin. Okay lang naman mag-fail, at least nag-try. Kaysa naman hindi ka nag-try. Yung moment na hindi ka nag-try, failure ka kaagad," sabi ni Robert.---Carlo Isla/BMS

Source: http://www.gmanetwork.com/news/story/452865/publicaffairs/kapusomojessicasoho/ang-bata-sa-loob-at-labas-ng-pisay

S & T Trivia

" Felix D. Maramba Sr. invented the power generator fed by charcoal and coconut oil. "

Online Resources
© copyright 2012 www.science.ph. All rights reserved.

Login