News

Pagdami ng mga batang kulang sa timbang sa ARMM, ikinaalarma ng DOST

Wednesday, August 17, 2016 06:36 AM    Views : 1332by:Jasper Acosta, ABS-CBN News

COTABATO CITY – Ikinaalarma ng Department of Science and Technology (DOST) sa ARMM ang pagtaas ng bilang ng mga kabataang kulang sa timbang at tangkad dahil sa epekto ng malnutrisyon.

Batay sa isang survey na isinagawa ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) noong 2015 sa limang probinsya sa ARMM, 25 porsyento na batang limang taong gulang pababa ay kulang sa timbang, 80 porsyento ay maituturing na payat, at 40 porsyento naman ay kulang sa tangkad.

Hindi akma sa edad ng mga batang ito ang kanilang tangkad at timbang, na ayon sa DOST ay kailangang gawan ng solusyon ng pamahalaan.

"It is very alarming. Paano na lang ang mga new generation sa ARMM, puro maliliit at payat?" ani DOST-ARMM Secretary Myra Magngkabung.

Isa sa mga itinuturing na dahilan kung bakit tumaas ang bilang ng mga kabataang kulang sa timbang sa ARMM ay ang problema sa kahirapan, kaayusan at kawalan ng sapat na kaalaman ng mga ina sa paghahanda ng masustansyang pagkain para sa pamilya.

Upang makatulong sa mga bata, papalakasin umano ng Department of Education (DepEd) sa ARMM ang feeding program nito sa mga paaralan sa rehiyon. Sa ilalim ng programa ay magtatayo ang mga paaralan ng "central kitchen" kung saan sila ay makakapagluto ng masustansyang pagkain para sa mga mag-aaral.

Ayon kay DepEd-ARMM Secretary John Magno, magpapatayo sila ng mga central kitchen sa Jolo, Basilan, at Upi sa Maguindanao.

Bukod sa mga kabataan, problema din sa ARMM ang pagtaas ng bilang ng mga babae na sobra ang timbang sa inirerekomenda ng mga doktor.

Sa survey na isinagawa sa rehiyon, lumalabas na 17.9 porsyento ng mga babae dito ay sobra ang timbang, habang 25.6 porsyento ng mga ito ay maituturing na obese, o higit na sobra sa timbang na inirerekomenda ng mga doktor.

"Proper nutrition ang kinakailangan natin dito, lalo na ang information drive sa mga kabataan at magulang na [kailangan nating] kumain ng masustansyang pagkain," sabi ni Lilibeth Dasco, research specialist ng FNRI.

Source: http://news.abs-cbn.com/news/08/17/16/pagdami-ng-mga-batang-kulang-sa-timbang-sa-armm-ikinaalarma-ng-dost

S & T Trivia

" Dr. Florante Quiocho, a Filipino scientist, solved the structure of calmodulin bound to its ligand (calcium). "

Online Resources
© copyright 2012 www.science.ph. All rights reserved.

Login