News

Tagalog news: DOST-Pagasa, binabantayan ang pagkilos ng bagyong Urduja

Thursday, December 14, 2017 11:55 PM    Views : 328by:Lyndon Plantilla
/news/images/urduja-photo-2_1.png?1513136380072

Kita sa larawan mula sa video ng DOST-Pagasa na ipinapaliwanag ni Senior Weather Specialist Chris Perez  na may epekto sa ilang bahagi ng bansa ang Hanging Amihan at ang tail end of a cold front.

LUNGSOD QUEZON, Disyembre 13 (PIA) -- Tinataya ng DOST-Pagasa na tatama sa lupa ang Tropical Depression Urduja sa dako ng Kabikulan at ng Silangan Kabisayaan ngayong Sabado.

Kahit nasa dako pa ng Dagat Pasipiko, maagang nagpasabi ang weather bureau sa mga local disaster risk reduction and management office ng mga lokal na pamahalaan sa mga nasabing lugar na maghanda at gawin ang mga kaukulang hakbangin.

Ayon pa kay Senior Weather Specialist Chris Perez, maaari ding tawirin ni Urduja ang ilang bahagi ng Katimugang Luzon batay sa kanilang forecasted track.

Kaninang ika- 3 ng umaga, tinataya ng DOST Pagasa ang bagyong Urduja batay sa lahat ng nakalap nilang datos sa layong 455 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte o 750 kilometro silangan timog silangan ng Legazpi city, Albay.

Taglay ni Urduja ang malakas na hangin na hanggang 55 kilometro bawat oras at pagbugso na hanggang 65 kilometro bawat oras.

Tinatayang kikilos si Urduja pa-hilaga-hilagang kanlurang direksyon sa bilis na 7 kilometro bawat oras

Wala pang babala ng bagyo ngunit sinabi ni Perez na maaaring magkaroon mamaya o sa mga susunod na araw.

Samantala, sinabi ni Perez na may epekto pa rin ang Hanging Amihan sa Hilaga't Gitnang Luzon at ang Tail end of a cold front naman sa dako ng kabikulan at Quezon Province.

Pinapayuhan din ni Perez ang mga mangingisda at mga gumagamit ng maliliit na bangka o sasakyang pandagat na umiwas mula sa mga baybaying nakapaligid sa Hilagang Luzon, ang silangang baybayin ng Gitna at Katimugang Luzon pati na rin sa silangan baybayin ng Kabisayaan kung saan pinaiiral ang gale warning.

Inaasahang maalon hanggang sa napakaalon ang karagatan sa mga nasabing lugar na may taas na maaring umabot sa halos tatlo hanggang apat na metro. (Lyndon Plantilla/PIA-DRRC)

Source: http://pia.gov.ph/news/articles/1003122

S & T Trivia

" Who created the Lunar Rover or moon buggy used in 1969 by American astronauts who first landed on the moon? A Filipino employee of Lockheed Corporation christened Eduardo San Juan. "

Online Resources
© copyright 2012 www.science.ph. All rights reserved.

Login