News
WIN TAYONG LAHAT: Layuning magdagdag ng Math at Science High School kada probinsiya, bigyang-suporta!
Tuesday, April 23, 2019 12:00 AM Views : 1134Win GatchalianSALUNGAT sa paniniwala at sinasabi ng karamihan, sagana tayo sa mga indibidwal na may likas na galing sa Math at Science.
Kailangan lamang nilang malaman ang kanilang potensiyal, panghihikayat mula sa iba at lakas ng loob na hasain ito.
Naniniwala tayong ang karunungan ng kabataan sa Math at Science ay kasanayang panghabambuhay na kanilang aangkinin at dadalhin sa araw-araw na gawain tulad ng pagpokus sa anumang aktibidad, pagiging organisadong mag-isip at kumilos.
Mayroon silang abilidad na magpaliwanag nang malalim ngunit, naiintindihan pa rin ng iba, maging malikhain, mapanuri at sumagot ng mayroong kabuluhan.
Isa sa indikasyon ng maunlad at progresibong lipunan ay ang presensiya at kontribusyon ng ating mga scientist, mathematician, engineer at ibang mahuhusay na propesyunal na nagsisilbing utak at humahawak ng malaking papel sa pagpapatakbo ng iba’t ibang industriya.
Ngunit, base sa ating mga pagsasaliksik, kulang tayo sa mga Math at Science expert o practitioner.
Maaaring dahil ito sa kakulangan ng bansa sa paghahatid ng moderno at maunlad na istruktura ng pagtuturo sa larangan ng Math at Science.
Kaya naman, para lubos na makamit ng bansa ang lumalagong ekonomiya sa mas mahaba pang panahon ay dapat nang maumpisahan ang pagsasanay at edukasyon sa loob ng klasrum upang makabuo ng mas marami pang malikhain at matalinong kaisipan.
Kung ang bata ay mayroong maayos na pundasyon ng pag-aaral mula sa Math and Science na kurikulum, kaunlaran at progreso ang magiging kontribusyon nito sa ekonomiya ng ating bansa, bilang kabuuan.
Mas magiging posible ito kung sapat ang mga paaralan para rito, lalo na at hindi lamang sa Metro Manila naninirahan ang kabataan na nangangarap makapag-aral sa ganitong specialized school kundi maging sa iba pang parte ng bansa.
Tulad na lamang sa Valenzuela City School of Mathematics and Science, Manila Science High School at Philippine Science High School System, paniguradong magtatagumpay ang libu-libong high school students kung mapagpatayuan ng Math and Science High School ang bawat probinsiya.
Kapag naisabatas ang isinumite nating panukalang-batas na Equitable Access to Math and Science Education Act o Senate Bill No. 373, maisasakatuparan ang patakarang ito sa pakikipagtulungan sa Department of Science and Technology (DOST) at Department of Education (DepEd).
Upang mapahalagahan ang lahat nang napag-aralan dito, isinasaad sa panukalang-batas ang pagtatalaga sa mga mag-aaral na kumuha ng kursong pang-agham o iba pang tulad nito na kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED) sa kolehiyo o unibersidad kapag sila ay nagtapos na ng high school.
Bonus na lamang na mapag-alaman na marami ngayong mga estudyante ng public Math and Science High School na sa kanilang pag-aaral dito ay hindi lamang sa pagkamit ng personal na tagumpay ang kanilang pinagtutuunan ng pansin kundi bukas din ang kanilang puso at isipan sa pagiging makabayan, pagbibigay ng serbisyo sa kanilang kapwa at pagiging mabuting ehemplo at mamamayan ng bansa.