News

After ng 6.1 sa Luzon, 6.5 naman sa 'BIG ONE', WALANG BASEHAN — PHIVOLCS

Wednesday, April 24, 2019 12:00 AM    Views : 224by:V. Reyes

alt

 

IGINIIT ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na walang basehan ang kumakalat sa internet na nagbibigay ng babala sa pagtama ng Magnitude 7.1 earthquake matapos ang dalawang magkasunod na lindol na naranasan ng bansa. 

Nais naming ipabatid sa publiko na hindi nanggaling sa DOST-PHIVOLCS ang mensahe na ito at walang sapat na basehan para maglabas ng warning ang aming tanggapan tungkol sa isang nalalapit na malakas na lindol,” saad sa Facebook post ng PHIVOLCS.

Lumabas ang mensahe tungkol sa mas malakas na lindol matapos mangyari ang Magnitude 6.1 na tumama sa Central Luzon nitong Lunes ng hapon at nasundan naman ng Magnitude 6.5 sa Eastern Samar kahapon ng hapon.

Dati nang nagbibigay ng babala ang PHIVOLCS tungkol sa posibleng pagtama ng tinatawag na ‘Big One’ na lindol gayunman, nilinaw nila na wala pang teknolohiya sa buong mundo na maaaring magsabi kung kailan at saan maaaring maganap ang malakas na lindol.

Samantala, niyanig ng Magnitude 6.5 na lindol ang Eastern Samar na nakaapekto  sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao, Martes ng hapon.

Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang Intensity VI sa San Julian, Eastern Samar habang Intensity V sa Tacloban City; Catbalogan City, Samar; Gen. McArthur, Salcedo at Guiuan sa Eastern Samar; Naval, Biliran; Catarman, Northern Samar; Palo at Pastrana, Leyte.

Intensity IV naman ang naitala sa Abuyog, Hilongos, Javier, Capoocan, Julieta, Baybay, Barogo, Jaro, MacArthur, Matalum, Villaba sa Leyte; San Francisco, Southern Leyte; Bislig City, Surigao del Sur; Iloilo City; Naga City; Sorsogon City; Panganiban, Catanduanes.

Naramdaman ang Intensity III sa Binalbagan, Negros Occidental; Cabalian, Southern Leyte; Dimasalang, Masbate; Butuan City; Cabadbaran City at Intensity II sa Bago City; Bacolod City.

Samantala, tinatayang nasa  16 katao na ang naiulat na nasawi kasunod ng Magnitude 6.1 lindol na tumama sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, kamakalawa ng hapon.

Nasa 81 naman ang sugatan at  14 pa ang nawawala na pinaniniwalaang na-trapped sa gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga. 

Ayon sa tagapagsalita ng NDRRMC na si Edgar Posadas, nahugot ng buhay mula sa gumuhong gusali ang nasa siyam katao simula ng gabi ng Lunes at madaling-araw ng Martes. 

Ang lindol sa Eastern Samar ay dulot umano ng paggalaw ng Philippine Trench at walang kinalaman sa Magnitude 6.1 na lindol sa Zambales nuong Lunes.

Source: https://www.bulgaronline.com/single-post/2019/04/24/After-ng-61-sa-Luzon-65-naman-sa-Visayas-%E2%80%98BIG-ONE%E2%80%99-WALANG-BASEHAN-%E2%80%94-PHIVOLCS

S & T Trivia

" Zebronkey, half-zebra and half-donkey, was first bred in Manila Zoo in 1962 "

Online Resources
© copyright 2012 www.science.ph. All rights reserved.

Login